10-16 St. Bede the Venerable [Pre-Humanities]
Ilang buwan na rin noong magsimula ang taong-aralan na kung babalikan ay tila kahapon lamang. Kaybilis at tila ayaw nang magpaawat sa patuloy na pagtungo sa susunod na taon at tuluyang pagtatapos nga ninyo bilang mag-aaral ng baitang sampu. Ayaw ko na lamang bilangin ang mga nalalabing mga araw at buwan dahil lahat ay hahantong naman sa katapusan.
Dumanas tayo ng ilang suliranin na para sa iba ay tipikal nang maranasan dahil nangyari na rin naman sa kanilang klase noon. Subalit, hindi ito pangkaraniwang suliranin. Isang suliraning sumubok sa katatagan ng ating seksyon at nagpaluha't nagpabigat ng puso ng bawat isa. Sinimulan nating maayos at pinananatili sanang maayos ang lahat. Ang kasutilan kung minsa'y mahirap masupil lalo na kung natutukso dahil sa dikta ng lihim na katauhan. Nagpadala sa maling desisyon kaya naman humantong sa pagtutuwid at hindi pagkakaunawaan. Mahigpit, malupit at kahit na napakasakit sa kalooban ng nakararami "kasalanan ng isa ay kasalanan ng lahat!" susunod, makikinig kahit pa umaangil ang ilan dahil kailangang tumalima sa kautusan. Natututo tayo sa pagkakamali kaya naman sa maraming pagkakataon ay nagawa ninyong makabawi. Sa hindi mabilang na paligsahan, gawain, proyekto, pagtatanghal ay hindi maitatatwang pinatunayan ninyo ang pagkakaisa at pagtutulungan ng klase ng Humanidades - ang tahanan ng mga Humanista. Nariyang ilang beses tayong umuwi ng gabi para lamang lalong mapaganda ang ating Class Saint Corner kaya naman walang dudang makuha ninyo ang ikalawang gantimpala sa naturang paligsahan. Nanalo rin sa Pagsulat ng Repleksiyon at Paglika ng Poster. Oo nga't hindi tayo pinalad na makapuwesto sa Integration pero hindi naman matatawaran ang isinakripsiyo ng lahat mula sa pagtatahi ng costumes, pagseset-up ng horror house, pagtuturo ng sayaw, pagdadala ng pagkain at ang eksena ng "Wow Mali" na talaga namang nagpanalo dahil sa magandang resulta. Lagi ring nagsisilbing huwaran ang klase sa maagang pagdalo sa pang-umagang asembleya. Unang Gantimpala sa Malikhaing Pagsasadula ng Mitolohiya dahil sa malaking isinakripisyo ng lahat ng aktor at aktres pati na sa suporta ng klase ang ikinatagumpay ng paglahok sa timpalak na ito. Ang pagkapanalo sa Pagsulat ng Sanaysay at Natatanging Aktres ay nagmula rin sa ating klase. Ang mga bagay na ordinaryo ay nagagawa ninyong kahanga-hanga. Ang mga patay na sandali ay nabibigyang buhay ninyo na nasaksihan ko noong Lakbay-Aral at noong manood tayo ng NCAA Basketball Game. Ayaw ninyo ng madaling buhay ang nais ninyo ay kumplikado gaya nga pagbuo ng Hat para sa parade, pagdidisenyo ng costumes para sa Mr. at Ms. United Nations pati na ang pagtutuloy ng advocacy board. Sa pagsisikap na maibalik ang kaayusang pisikal ng klasrum, sa unti-unting pagtitiyaga na mas mapabuti pa ang grado at higit sa lahat muling patunayang karapat-dapat nga sa inyo ang banners at Cup of Excellence in Academics at Cup of Excellence in Deportment na pansamantalang nawala sa inyong mga kamay. Naniniwala akong nagsisikap ang bawat isa na mas maging mahusay sa bawat araw dahil ang resulta ng hinaharap ay bunga ng mga ginawa mo sa nakalipas. Parating pa lang ang Panonood ng El Filibusterismo, I.A.C., Christmas Party, S.A.P., Frolics, Love Day, English Play at Moving-Up Ceremony na pupuno sa natitirang mga buwan.
Marami pang parating na pagsubok at mas titindi ang mga suliranin subalit sa wastong paggabay at pag-alalay ang dulo'y sabay-sabay ninyong malalakbay. Maiiwan ako at magpapatuloy kayo habang pinagmamasdan ko kayong may ngiti at may luha dahil hindi lang laman ng aklat ang natutunan ninyo kundi ang natatanging alaalang nakaukit na sa puso na hindi kaagad mabubura. Mga alaala sa ilalim ng aking pamamatnubay.