01 Jan
01Jan

Paano nga ba nagsimula ang lahat?


1. Isinilang

Hindi ko masasabing naging kasintalino ko ang aking mga kamag-aral noong ako ay nasa elementarya. Nasa ikaapat na seksyon ako sa Paaralang Elementarya ng Cainta sa Rizal at kahit sinikap kong mapabilang sa unang seksyon subalit hanggang doon lamang talaga ang naabot ko. Dumaan ako sa pagdidisiplina ng aming mga guro na usong-uso noon. Hinangaan ko sila sa kanilang maayos at mahigpit na pagdidisiplina tulad ng aking mga magulang. Bilang pinakamatanda sa aming limang magkakapatid ay madalas na sa akin ibinibilin ng aming ama at ina ang aking mga kapatid. Ako ang tumatayong magulang dahil sa madalas na wala sila upang maghanapbuhay. Hindi ko namalayang naturuan ko silang magsulat at magbasa. Hinahatid ko sila sa paaralan na nakabisikleta, pinagpaplantsa ng uniporme, pinaglalaba ng damit, at pinagluluto ng hapunan. Kung nagkakaroon ng suliranin ay ako ang kagagalitan o ako ang papaluin dahil sa ako ang pinakamatanda. Kung may libreng oras ay magsasama-sama ang mga kalaro ng aking mga kapatid at doon ay tuturuan ko silang magbasa ng ABAKADA --- sila ang aking estudyante at ako ang kanilang guro. Naipagpatuloy ko ang pag-aalaga sa aking mga kapatid lalo na noong mamasukan ang aking ina upang maging domestic helper sa Hongkong. Mahigpit niyang ipinagbibiling alagaang mabuti ang aking mga kapatid at turuan sa kanilang pag-aaral hanggang sa makapasok na kaming apat na magkakapatid sa Paaralang Sekundarya ng Taytay. Mas naipakita ko ang aking kahusayan sa paaralang ito dahil naging manunulat ako ng aming pahayagan “Ang Anluwage’, miyembro rin ng choir, opisyal ng student council, kampiyon ng talumpati, aktres sa Miss Saigon, at Corps Commander ng Citizen Army Training. Madalas akong gawing tagapag-ulat ng aming mga guro lalo na sa Filipino. Subalit dahil na rin sa wala kaming kapatid na lalaki ay ninais ng aking ama na ako’y maging sundalo subalit hindi iniadya na makapasok sa Philippine Military Academy sapagkat kulang ang aking taas o height noong araw mismo ng pagsusulit. Tuluyan na nga akong nagdesisyong kumuha ng kursong Bachelor of Secondary Education major sa Filipino sa Unibersidad ng Rizal sa Angono. Hindi maikakailang tinasa ako sa iba’t ibang larangan. Naging kapwa kalahok at kampiyon ako sa pagsulat ng sanaysay, tula, maikling kuwento, balagtasan, dagliang talumpati, pag-awit, pinakamahusay na aktres (indie film), naging manlalaro ng basketball at atleta ng shot put. Pangulo ako ng Ugnayang Kayumanggi (Filipino Club) at Pangalawang Pangulo ng Student Council. Nakamit ko rin ang Best in Thesis (Ang Larawan ng Babaeng Pilipina Teoryang Femenismo sa Dalawang Nobela ni Liwayway Arceo) at ang pinakamataas na parangal ang Best Student Teacher. Hindi lang naging lubusan ang aking kaligayahan dahil na rin sa pagpanaw ang aking ina bago ang araw ng aking pagtatapos.


2. Nabubuhay

Ngayon ay ganap na akong guro sa isang paaralang pribado. Tila butas ng karayom ang aking pinagdaanan upang makapagturo at maging permanente sa paaralang ito. Hindi ko sukat akalaing labing-isang taon na mula noong 2007. Ang aking anak ay dito na rin nag-aaral. Mahaba pa ang lalakbayin ko upang mabuno ang mas mahaba pang bilang ng taon sa pagtuturo. Ang bawat taon ay bagong karanasan. Natututo sa bawat kong kahinaan, pagkakamali, pagkadapa, kakulangan subalit mas tinatatagan ang loob, sinisikap na maging malakas upang makapagtuloy, makabangon at nang magawa ko ang aking misyon. Para naman talaga sa pamilya ang paghahanapbuhay upang maibigay ang kanilang mga pangangailangan. Subalit hindi maitatatwang ang pagiging guro ay pagiging ina at magulang din sa mga kabataang ipinagkatiwala sa amin --- ang aming mga estudyante. Sa pagkikisalamuha mo sa kanila marami kang matutuklasan, mararamdaman at matututunan. Hindi mo malalaman kung paanong magpasaya kung hindi nila nagawang paluhain ka, hindi ka makapagpapayo kung hindi mo nasaksihan kung paano silang nalugmok ng problema, hindi ka magiging mahusay kung hindi mo sinubukang ituro ang dating hindi mo gamay na aralin, hindi ka magiging buo ngayon kung hindi nila unti-unting pinaramdam sa iyo ang iyong halaga. Nabubuhay ako sa pagtuturo dahil sa aking mga estudyante kahit pa ang totoo ay daraan lang naman talaga sila at lilisan din pagdaka. Malilimutan nila ang iyong mga itunuro subalit matatandaan ang iyong mga ipinayo. Malilimutan ka nilang lahat at puwedeng malimot mo rin sila subalit may “tanging” makaaalala dahil hindi lang laman ng aklat ang itinuro mo kundi ang ilang hindi malilimutang sandali noong panahong kayo ay magkakasama. Magpapatuloy ako sa aking sinumpaang tungkulin habang nabubuhay.


3. Nangangarap

Nagbago ang lahat noong Enero 2018 nang mapagdesisyunan kong umalis sa paaralang aking pinapasukan at sa pampublikong paaralan na magtuturo. Buwan noon ng Abril nang sumailalim ako sa iba't ibang hakbang at mga prosesong sumubok sa aking kakayanan na makapasok upang maging guro ng Senior High School sa aming bayan. Mapalad akong naging Rank 1 batay sa lumabas na resulta nang pinagsama-samang ebalwasyon ng dokumento, interbyu, pakitang-turo at English Proficiency Test at maibigay ang aytem na Teacher III. Subalit  hindi naging madali ang lahat. Sinubok ang aking katatagan at pagtitimpi sa paghihintay kung kailan makapagsisimulang makapagtrabaho. Umabot ng limang buwan at hindi pa rin nakapagsisimula. Malaking dagok ko itong maituturing. Naitanong ko tuloy "kung tama ba ang aking naging desisyon?" Naisip ko ring "dito ba talaga ako dinadala ng Diyos? o baka may iba siyang plano para sa akin?". Nasagot ang mga alinlangan ko sa tulong isang kaibigan. Nagkaroon ako ng oportunidad na makapagpagtrabaho sa Gitnang Silangan. Muli akong sumailalim sa mga hakbang at pagdaka ay nakiayon ang tadhana at napabilang sa batch 1 na unang bibiyahe patungo sa Paaralang Internasyunal sa Dubai. Isang paaralan para sa mga kalahi kong Pilipino. Mapaglaro rin ang tadhana. Pinamili ako kung ano ang mas nakahihigit? Isang buwan bago ako umalis ay may takdang araw na kung kailan ako makapagsisimulang magturo sa Senior High school sabay sa aplikasyon ko sa abroad. Sa huli, pinili ko ang makapagturo dito sa Gitnang Silangan. Kailangan ako ng aking bayan sa Pilipinas at sa palagay ko'y kailangan din ako ng aking mga kababayan sa ibang bansa. Marami ang gurong nagtuturo ng Filipino sa Pilipinas subalit iilan ang nagtuturo ng wikang ito sa ibang bansa. Nawalay ako sa aking pamilya dahil sa layunin at pangarap kong ito. Naniniwala pa rin ako na ang pagtuturo ko ngayon sa mga kabataang Pilipino dito sa Dubai ay ambag ko sa panahong umiral ang aking buhay.

Mga Komento
* Ang email ay hindi nai-publish sa website.
I BUILT MY SITE FOR FREE USING