27 Oct
27Oct

   

"Ang silya ay suporta, suporta para sa mga taong napapagod. Kapahingahan sa mga taong hapong-hapo. Ang silya ay simbolo ng pagtitiwala na sa pag-upo mo hindi ka nito ilalaglag. Ang silya ay nagbibigay ng dignidad, karangalan, ang trono na inuupuan ng hari." - Sir Marco

"Wala namang magyayari sa akin dito, titser ka nga salat naman ang sahod. Kaya ikaw ang payo ko sa iyo, huwag kang magtatagal sa lugar na ito mauubos ka lang na parang kandila. Pag nagkaroon ng pagkakataon huwag kang manghinayang na iwan ang lugar na ito. " - Ma'am 

Mataas ang respeto at pagtingin ko sa aking mga naging guro. Malaki ang kanilang naging impluwensya sa akin kaya ang kanilang tinahak ay daang tinahak ko rin. Tumimo sa akin ang kuwento't aral na walang naging pinakatanyag/propesyunal ngayon kundi dahil sa mga guro. Mga gurong hindi matatawaran ang dedikasyon sa kanilang larangan. Mga gurong nangarap tungo sa kabutihang panlahat. Gurong mapagtiis, mapagkalinga, mapangarapin, mapagmahal, tagapatnubay, tagapaghimok, tagapagtanggol, tagapagturo. Sabi nga nila "walang yumayaman sa pagtuturo, subalit walang hihigit, hindi mabibilang at walang katumbas ang iyong yaman sa langit." Mga kabataang minsan pang naging bahagi ng iyong buhay. Ikinaliligaya mo ang kanilang tagumpay at nanlulumo ka rin sa kanilang kabiguan sa buhay. Kaya't bakit hindi ka mangangarap para sa kanila? Madalas sa panghahangad mong mas mapabuti sila ay matatauhan kang ang inaasam mo palang ito ay tanging ilusyon lamang. Malalantad sa iyo ang bulok na sistemang unti-unting gumugunaw sa mapangarapin mong isipan. Matutunaw ang buong ikaw. Maghihinayang hanggang sa tuluyang ang gana'y  maglaho, ang pagmamahal ay mapalitan nang pagkaumay at pagkasawa! May ilang umaalis, mayroon ding lumilihis. Naghihintay sa inaasam-asam na pagbabago. Nagbulag-bulgan na ang gobyerno. Walang nangyari! Nandayuhan. Tuluyan nagsawa! Nawala na ang noo'y pagkahumaling. Atensyo'y sa iba na ibinabaling. May nagtuturong wala na ang dating alab ng puso. Sumuko na ba? Umayaw na nga ba? Hindi nga ba't sa atin sasandig ang mga kabataang ating hinuhubog. Tayong nakapagpapawi ng kanilang pagkahapo. Huwag nating hayaang walang sumalo sa mga kabataang buong tiwalang isusuko ang kanilang kahinaan. Maging silya tayong matatag sa kabila ng karupukan. Alalahanin nating ang bokasyon ito ay "walang atrasan". Mapapagod subalit babangon upang muling lumaban!
Mga Komento
* Ang email ay hindi nai-publish sa website.
I BUILT MY SITE FOR FREE USING