15 May
15May

Lolo Jose: The Family Carries On

https://www.facebook.com/vibalgroup/videos/227897511633485/


"Ang apoy ng iyong mga nagawa para sa kaunlaran ng ating bansa ay hinding-hindi malilimutan sapagkat nagmarka ang iyong apoy at alaala sa aming mga isipan." Rina Claudia V. Ricafort 9B-Silver


"Marapat lamang na mabanaag sa ating mga kilos at pananalita ang ating busilak na hangaring mapahalagahan ang lahing Pilipino at ang mga katangian nito." Simeon Carlos C. Lavarias 10A-Umm Hurair


"Huwag nating ipagkaila ang ating pagiging Pilipino at patuloy tayong makipagsapalaran upang mabura sa ating bayan ang mga isyung ating kinakaharap ngayon." Reyn Carey T. San Pedro 10A-Umm Hurair



UNANG GANTIMPALA

Lolo Pepe: Ang Umaapoy na Ibon ng Perlas ng Silanganan ni Rina Claudia V. Ricafort

Ayon sa mitolohiya ng mga Griyego, ang umaapoy na ibong tinatawag na “Phoenix” ay isang ibon na mayroong kakayahang magbagong-buhay o mamuhay muli mula sa mga abo ng hinalinhan nito. Maihahalintulad si Dr. Jose Rizal sa umaapoy na ibon sapagkat siya ay laging nasa alaala ng bawat Pilipino at hindi nalilimutan ng bansa ang kanyang ngalan sapagkat patuloy na pinapasa ang kanyang alaala sa mga makabagong henerasyon ng mga mamamayan. Ang apoy na kanyang sinindihan noon ay nag-iwan ng mga marka sa mga isipan at alaala ng mga Pilipino.

Mula noong tayo ay musmos pa lamang ay naririnig na natin ang mga kuwento tungkol sa ating pambansang bayani, si Dr. Jose Rizal, mula sa mga bibig ng ating mga magulang at mga nuno. Itinuturo at ikinukuwento sa atin ng ating mga guro ang kanyang katauhan, imahe, at mga kontribusyon niya sa pagtataguyod ng karunungan at kaunlaran sa ating inang bayan at sa mga mamamayang Pilipino noong ta’yo ay sinakop ng mga makapangyarihang Kastila. Nakilala natin lalo ang bayani sa kanyang taglay na kahusayan sa pagsusulat sa pamamagitan ng dalawang obrang maestrang isinulat niya, ang “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo”, parehong nobela na tila repleksyon ng kanyang pagkatao at buhay. Pinag-aralan natin ang kanyang kasaysayang isinulat niya sa mga pahina ng libro ng ating bansa. Kinakabisa natin ang iba’t ibang impormasyon ukol sa ating bayani tulad ng kanyang buong pangalan, Jose Protacio Rizal Mercado y Alonso Realonda, petsa at lugar ng kanyang kapanganakan, ika-19 ng Hunyo taong 1861 sa lugar ng Calamba, Laguna, at petsa at lugar ng kanyang kamatayan, ika-30 ng Disyembre taong 1896 sa lugar ng Bagumbayan, Manila. Kinilala natin ang umaapoy na ibon ng Pilipinas bilang isang bayani na si Dr. Jose Rizal, subalit sinuri ba natin ang kanyang buhay bilang isang karaniwang tao tulad natin?

“Kinakabisa ko lang ang kanyang kaarawan, ang pari na nagbinyag sa kanya, at ang kanyang buong pangalan.” ani Amanda Aquino Bantug, ang pamangkin sa tuhod ni Rizal kay Maria Rizal.

Minsan ay nalilimutan natin na siya lamang si Pepe, ang mapagmahal na anak, kapatid at mamamayan sa kanyang pamilya at bayan.

Unti-unting nabubura sa ating mga isipan na ang umaapoy na ibon ng bansa ay isa ring karaniwang ibon tulad natin na dumaan sa maraming pagsubok bago niya tuluyang ginamit ang kanyang mga pakpak sa paglipad at pagbuka sa mga isipan ng mga Pilipino sa malupit na pamamahala at kapangyarihan ng mga Kastila at sa paglaganap ng karunungan para sa kaunlaran ng bansa.

Para sa maraming mga Pilipino, si Rizal ay tila isang nakalimutang alaala ngunit ang kanyang tinig ay nananatili kahit sa paglipas ng panahon. Ang kanyang tinig ay tila maririnig pa rin sa mga bibig ng kanyang pamilya at mga kaibigan.

Bilang ikapitong anak ng Rizal angkan, si Pepe ay mapagmahal sa kanyang mga magulang at mga kapatid.

Ayon kay Francisco Rizal Lopez, ang kanyang pamangkin sa tuhod kay Paciano, "Tinatawag niya ang kanyang kuya bilang Nyor Paciano, na ibig sabihin ay Mr. Paciano, iyon ay isang panuntunan sa mga magkakapatid, ang mga matatanda ay tinatawag bilang Nyora Saturnina, Nyora Sisa ng nakababatang kapatid na babae o lalaki.” Nasasalamin dito na si Pepe ay mayroong nag-uumapaw na respeto para sa kanyang mga kapatid na isa sa mga natatangi niyang katangiang hinahangaan ng marami. Nasasalamin din dito na pinalaki siya ng kanyang mga magulang sa taos-pusong pagmamahal, at pag-aaruga sapagkat lumaki siya bilang isang magalang na anak, kapatid, kaibigan at mamamayan sa kanyang pamilya, mga kaibigan at kapwa na ang mga natatangi niyang katangian na hinahangaan natin sa ating pambansang bayani.

Bukod sa pagpapakita ni Pepe ng pagmamahal sa kanyang pamilya, ipinakita rin ni Pepe ang pagmamahal sa iba pang mga tao na naging mahalagang parte ng kanyang buhay. Tulad ng isang binatang Pilipino, naranasan din ni Pepe ang pag-iibig sa mga bulaklak ng ating lahi, ang mga kababaihan. Sina Leonor Rivera at Josephine Bracken ay ang dalawang pinakaminahal niya sa mga babaeng inibig niya. Hango kay Leonor ang tauhan ni Maria Clara, ang babaeng minamahal ng tauhan hango naman kay Pepe na si Crisostomo Ibarra sa nobelang “Noli Me Tangere”. Tunay na minahal ni Pepe si Leonor Rivera sapagkat nang sabihin ni Sisa sa kanya ng isang gabi na pumanaw na ito, hindi siya nakapagsalita at nawala siya sa kanyang tamang kalagayan ng dalawang araw. Patunay na minahal din niya ng taos-puso ang kanyang huling pag-ibig na si Josephine Bracken sa pagsulat niya ng liham sa kanyang ina kung saan ibinilin niya na itrato siya bilang isang taong pinapahalagahan.

Hindi nagkulang si Pepe sa pagmamahal sa kanyang pamilya, babaeng minamahal, kaibigan at kapwa. Bilang patunay dito ay ang pagsulat niya ng mga liham sa kanya mga minamahal noong panahon. Naririto ang ilan sa mga natitiyak niyang mga mensahe sa kanyang mga liham na tumatak sa mga isipan ng mga Pilipino:

"Ito mismo sa oras ng ating pakikibaka na kailangan nating ipagpatuloy ang ating mga pagsisikap. Mahalagang isakripisyo ang lahat para sa ating bansa. Kung walang kabutihan walang kalayaan." -Lolo Pepe kay Baldomero Roxas, kung saan nasasalamin ang kanyang matinding pagsisikap na makamit ang kaunlaran at kalayaan ng ating bansa laban sa mga pagmamalupit ng mga Kastila sa ating bayan.

"Magpatawad sa isa't isa para sa maliit na mga kasalanan ng buhay, subukang mamuhay na nagkakaisa sa kapayapaan. Tratuhin ang iyong mga magulang tulad ng nais mong trato sa iyo ng iyong mga anak. Mahalin mo silang mabuti sa aking memorya." - mensahe ni Pepe sa mga susunod na henerasyon.

Para rin kay Pepe ang kabataan ang pag-asa ng bansa sapagkat ta’yo at ang mga susunod pang mga henerasyon ang magtataguyod sa kaunlaran ng ating bayan gamit ang ating makabagong pag-iisip at mga kakayahan.

Siya ang nagsisilbing apoy natin sa paggalang, pagmamahal, at pagmamalasakit sa ating pamilya, mga mahal sa buhay at kapwa sapagkat minarka niya sa ating mga isipan at hinihikayat niya tayo na matutong gumalang, magmahal, at magmalasakit sa ating mga magulang at pamilya sa pamamagitan rin ng kanyang mga nobelang naisulat tulad ng “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo”. Naniniwala ako na sa tahanan nagsisimula ang pagmamahal sa sarili, at sa pamilya at kung saan natin unang natutunan ang pagkakaisa at pagmamalasakit para sa isa’t isa sa mga turo at paggagabay ng ating mga magulang na maisasabuhay at magagamit natin sa ating pang araw-araw na pamumuhay. Dapat maisasakatuparan natin lahat ng mga natutunan sa tahanan sa pagtatahak sa labas kung saan matutunan natin gamitin ang mga ito sa ating kapwa at iba pang mga tao na tayo rin ay matututong magmalasakit sa ibang tao bukod sa ating pamilya at mga kamag-anak.

Bakit tayo nagkukuwento? Bakit nagbabahagi tayo tungkol sa ating mga nakaraan at pinanggalingan?

“Ang hindi marunong lumingon sa kanyang pinanggalingan, ay hindi makararating sa paroroonan.” ayon kay Dr. Jose Rizal. Ang nakaraan o ang ating pinanggalingan ay ang kung saan tayo nagsimula ng ating daan sa buhay. Kung na saan man tayo ngayon sa buhay, ay iyon ay dahil sa mga naranasan natin sa nakaraan. Itinuturo rito ni Pepe na dapat matuto tayong magpakumbaba kahit anuman ang ating narating sa ating buhay at dapat marunong tayong tumanaw ng utang na loob sa mga taong tumulong sa atin o kaya naman gumabay sa atin upang marating kung saan man tayo naroroon ngayon. Walang kasalukuyan kung walang kasaysayan.

Maraming Salamat Lolo Pepe, umaapoy na ibon ng Perlas ng Silanganan, sa apoy na iyong sinindi han noon. "Ang apoy ng iyong mga nagawa para sa kaunlaran ng ating bansa ay hinding-hindi malilimutan sapagkat nagmarka ang iyong apoy at alaala sa aming mga isipan." Ang mga pakpak na ginamit mo upang mataguyod ang kabutihan, karunungan, at kalayaan sa ating bayan ay nakasulat sa bawat pahina ng kasaysayan ng Pilipinas bilang patunay ng iyong kabayanihan at pagmamalasakit sa bawat nilalang. Patuloy na ibabahagi ang iyong pangalan at iyong mga kontribusyon ng bawat Pilipino sa mga susunod na henerasyon upang ang inyong alaala ay mapanatili ng walang hanggan. Ikaw ay karapat-dapat na tawaging pambansang bayani na umaapoy na ibon ng Perlas ng Silanganan - ang Pilipinas. Mabuhay ang bayan!


IKALAWANG GANTIMPALA 

Isinulat ni Simeon Carlos C. Lavarias

“Forgive one another for the little sins of life. Try to live united in peace and harmony. Treat your elderly parents as you would like your children to treat you. Love them very much in my memory. “
- Dr. Jose P. Rizal

Ang mga salita sa itaas ay isa lamang sa mga nakapupukaw-damdamin na mensahe ni Dr. Jose Rizal. Masasalamin dito ang kanyang mga hangarin na magkaroon ng mainam na kinabukasan ang inang bayan na kanyang sinilangan at ipinagsanggalang, sapagkat sumampalataya siya sa dakilang magagawa ng kabataan. Ito ay kanyang iniwan upang mabasa, maisalin, at maisabuhay — maging pamantayan sa pagiging mabuti’t marangal na kabataang Pilipino. Bayani! Salitang kailanman ay hindi makasusukat sa kanyang pagkatao.

Sa kanyang magiting na hangarin na makahanap ng mabisang lunas, ibinilad niya sa templo ng sambayanang Pilipino ang kanser na bumalot sa bansang Pilipinas. Isiniwalat niya ang lambong na nagtatago sa kalinisan, maging ang kalupitan at kasakiman ng mga banyagang binulag at pinaratangang hamak ang ating lahi. Ibinunyag niya ang mga mapagmalabis na nagkukubli sa likod ng banal na salita at anyong pananampalataya. Sa pamamagitan ng kanyang mga ginawang kilos ay nakamit niya ang kanyang dalisay na hangarin at sa huli, isinalba niya ang lahing Pilipino sa karimlan.

Ngunit, katulad ng nabanggit sa bidyo ay humarap din siya sa mga bangungot ng buhay katulad natin. Pumanaw ang kanyang unang irog, nahiwalay sa kanyang mga magulang at kapatid, inusig sa kanyang pagnanais na pagbabago, at iba pa. Lahat ito’y dinanas ni Pepe, na ngayo’y kinikilala nating pambansang bayani.

Pinag-aralan, inintindi, at kinabisado natin ang kanyang mga akda; maging ang kanyang talambuhay ay ating pinaglaanan ng panahon. Gayunman, sapat na ba ito upang masabing pinahahalagahan natin ang kanyang iniwang mensahe para sa ating lahat? Mainam bang gawing pamantayan na lamang natin ang grado na ating nakukuha sa asignaturang Filipino upang masabing ganap tayong humahanga sa kanyang mga ipinarating? Sa aking pananaw ay hindi pa ito sapat sapagkat ano ang bisa ng salita kung hindi ito isasabuhay. Marahil ang iilan sa atin ay nagbabalatkayo at mas naaakit sa pamumuhay at wika ng banyaga kaya hindi malalim ang pansin natin sa ating sariling lahi’t kasaysayan. Katulad ng naiparating niya sa nobelang El Filibusterismo, mainam na mas bigyang-halaga natin ang ating lahi upang tayo’y magkaroon ng sariling pagkakakilanlan at hindi mapailalim sa mga mapagmalupit.

Isabuhay! Huwag nating hayaang makalimutan ang mensahe ng ating pambansang bayani. "Marapat lamang na mabanaag sa ating mga kilos at pananalita ang ating busilak na hangaring mapahalagahan ang lahing Pilipino at ang mga katangian nito." Sa ganitong kaugalian at pag-iisip , kailanma’y hindi lilipas ang kanyang tinig at dakilang layunin. Mabuhay aming Lolo Jose!


IKATLONG GANTIMPALA 

Isinulat ni Reyn Carey T. San Pedro

Tinuturing natin si Dr. Jose Rizal bilang ating pambansang bayani, inaral natin ang kanyang mga isinulat na nobela, memoryado natin ang kanyang kaarawan, lugar kung saan siya pinanganak, kailan siya namatay at iba. Alam natin ang kanyang talambuhay, batid natin ang kanyang mga inibig at lalong batid natin ang kanyang mga nagawa para sa ating bayan, ngunit mas kailangan nating unawain, halungkatin ang kanyang buhay at isapuso ang kanyang mga ginampanan bilang isang Pilipino. Kilala ba talaga natin si Dr. Jose Rizal hindi bilang isang bayani, kung hindi bilang isang anak at taong mapagmahal sa kanyang pamilya at bayan?


Tunay ngang nabubura na sa ating alaala ang katauhan ni Dr. Jose Rizal bilang Pepe Rizal na nagpadama ng kanyang pagmamahal sa kaniyang pamilya. Mababatid natin sa ating pinanood na si Pepe ay nagpadama ng kaniyang pagmamahal sa kanyang pamilya. Dito rin makikita si Rizal bilang isang mabuting, mapagmahal at marespetong anak at miyembro ng kanyang pamilya. Sa kanya napatunayan natin ang kasabihang “Ang hindi lumingon sa kanyang pinanggalingan ay hindi makararating sa kanyang paroroonan.” Nagsilbing isang modelo si Pepe sa ating lahat at sa makatuwid, hinihikayat pa niya tayo na mahalin natin ang ating mga magulang at ang ating mga kamag-anak na dapat lamang nating isagawa dahil ako’y naniniwala na ang pagkakaisa nating mga Pilipino ay magsisimula sa pagkakaisa natin sa ating mga pamilya. Ang mga patunay ng kanyang pagmamahal sa kanyang pamilya ay ilan sa mga liham para kanyang ina, sa kanyang kapatid na si Paciano Rizal at pati na rin ang patotoo ng kaniyang mga apo sa tuhod. Sa isang liham ni Pepe ay makikita na handa siyang mamatay upang hindi saktan ang kanyang pamilya. Hindi lamang sa kanyang pamilya siya nagpakita ng kanyang pagmamahal, pati na rin sa kanyang mga babaeng inibig noon, ilan dito ay sina Leonor Rivera at Josephine Bracken. Patunay lamang ng kanyang pag-ibig kay Leonor Rivera ay kung kailan nalaman niyang ang kanyang minamahal ay patay na at dahil dito ay ‘di siya makapagsalita ng dalawang araw. Sumulat pa siya ng isang liham para sa kanyang ina upang ibilin ang kanyang minamahal na si Josephine Bracken. Tunay ngang hindi nagkulang ang pagmamahal ni Rizal sa mga babaeng kanyang inibig, at ganon na lamang ang kanyang pagsusumikap upang palakasin ang bawat babae, partikular na dito ay ang kaganapan kung saan sumulat siya ng liham para sa mga babae sa Malolos. Sa liham na ‘yun, ipinaunawa ni Rizal ang halaga ng bawat babae sa Pilipinas at sa buong mundo, at talaga namang nakakikilabot kung iyong babasahin at hindi ka magsisisi dahil dito ay makikita ang pagpapahalaga ni Rizal sa bawat tao.


Bukod sa kanyang pamilya at mga babaeng inibig, tayong mga Pilipino din at ang ating Inang bayan ay inibig ng lubusan ni Rizal. Samakatuwid, itinuring niya tayong pamilya. Hindi siya nagkulang sa pagpapaalala sa atin na patuloy na mahalin ang ating Inang bayan at ang isa’t isa. Sa pamamagitan ng mga liham at mga sinulat ni Rizal na nobela ay nagising ang ating nasyonalismo at natuto tayong mahalin at ipaglaban ang ating pinakamamahal na bayan. Pinag-alab ni Rizal ang ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino at pinalaya niya tayo sa ating pagkakabihag dahil noong panahong namamahala ang mga Espanyol ay tila naglaho ang mga pagkakakilanlang ito. Si Dr. Jose Rizal ay hindi lang ang ating pambansang bayani, kung hindi siya rin ang ating Lolo Rizal sapagkat siya’y tinaguriang “Unang Pilipino.” Tinagurian siyang “Ang Unang Pilipino” dahil bago niya isulat ang kanyang mga nobela na makapagpapamulat sa atin, ang mga Indio noon ay watak-watak at ang mga isla sa Pilipinas ay hindi nagkakaisa, at dahil kay Lolo Rizal ay nagkaisa ang mga Indio at ang buong bansa. Binuhay niya ang ating damdamin bilang mga Pilipino at siya’y naging daan upang makamtan natin ang kalayaan na ating minimithi. Handa siyang ipagtanggol ang ating bayan at siya’y namatay upang mabigyan tayong mga Pilipino, ang kanyang pamilya at ang Inang Bayan ng magandang kinabukasan. Huwag natin siyang biguin at patuloy lang nating mahalin ang ating bansa.


Tunay ngang kapag nagmahal si Lolo Rizal ay napakatindi at napakasarap. Masasabi natin na kung hindi dahil sa kanya ay hindi natin matatawag ang ating sarili na “Pilipino.” Gaya ng mga apo sa tuhod ni Rizal na nagnanais na maging katulad ni Rizal, ay dapat ganon din tayong mga Pilipino. Malaki ang tungkulin na iniwan sa atin ng ating Lolo at tila ipinasa na sa atin ang apoy at ilaw na magsisilbing gabay sa ating paglalakbay upang makamtan ang patuloy na pagkakaisa ng ating bayan, at upang mas lalong sumagana ang ating pinakamamahal na bansa. Kaya naman, patuloy nating mahalin ang ating bayan at huwag nating hahayaang mabalewala ang mga ginawa ng ating mga bayani, lalo na ang ating Lolo. "Huwag nating ipagkaila ang ating pagiging Pilipino at patuloy tayong makipagsapalaran upang mabura sa ating bayan ang mga isyung ating kinakaharap ngayon."‘ Mahalin natin ang ating bansa at gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang maging maganda ang kalagayan nito hindi lamang para sa atin, kung hindi para sa susunod na henerasyon na rin. Mabuhay ang Pilipinas! 

Mga Komento
* Ang email ay hindi nai-publish sa website.
I BUILT MY SITE FOR FREE USING