Hanggang Dito [Tula]

“Hanggang Dito”

ni: gng


At umabot na nga tayo sa ganitong sandali

Hindi mo pa ba nararamdaman?

Hindi mo pa ba naiisip?

O, baka naman ayaw mo pang tayo ay magpaalamanan?

Narinig ko na ang lahat ng masasakit na salita

Pero ito talaga sa lahat ang pinakapambihira

Anim na letra

P a a l a m

Pero kung tumagos sa puso ay napakasakit

Sana’y naman akong naiiwan

Iniiwan, dinaraanan

Kakamustahin, babatiin pagkatapos ay

Magpapakiramdaman

Bumati ngayon

Paalam mamaya

Babati bukas

Maghihiwalay maya-maya

Gaya noong Hunyo

Kayganda nang pagbati

Natapos ang Marso

Pagbati ay tila may pagngiwi

Hindi ako sigurado sa damdamin ng iba

Pero ito kasi ang nararamdaman kong talaga

Ang hirap masambit nitong salita

Kung maraming titik P

Ang dito’y nabuo at nakuha

PAMILYA

Una pa lang malupit na

Turingan ay hindi lang kung sino ka

Tinulungan n’yong iangat ang iba

Upang itong klase ay lubusang makilala

Dahil naging parang magkakapatid kayo

Nagkadebelopan at nauwi sa ikalawa

PAG-IBIG

Nangingiti ka dahil totoo

O dahil isa ka, o kayong dalawa ang sinasabi ko

Nabanggit ko pa nga sa isa sa inyo

Na itong silid ay naging “Pugad na ng Pag-ibig”

Huwag mong ikaila dahil ako’y tama

Subalit kahit gaano kasaya ang panahong lumipas

Hindi n’yo napigilang ikatlo’y makaharap

PAGHIHIWALAY

Lumutang ka na sa alapaap

Pero nang maghiwalay kayo

Kayhirap mong natanggap

Hindi madaling magpanggap na ayos lang ang lahat

Kasi araw-araw mo s’yang nakakaharap

Napakahirap! Napakasaklap!

Tunuon mo na lang ang sarili sa

PAG-AARAL

Baka dito mas umubra ka

Kaya ginawa mo ang lahat

Pinuyat ang sarili

Uminom nang sangkaterbang kape

Lumiban, nahuli

Sa “Thesis’ wala pa ring nangyari

Pero wag n’yo namang lahatin

Dahil ang iba…kundi pabibo, pabida

Kumbaga aktibo at kakaiba

kaya naman sa…

PAGDIRIWANG

Hindi tayo nagpahuli

Lahat na ata nang bawal sinubukan natin

Kahit di tama isinugal natin

Ang magsaya ay hindi masama

Basta hindi lumalabis

Uulit at uulit

Ngayon sabihin mo

Kung madaling magpaalam

Sa ilang P inilahad ko sa inyo?

Ayaw ko nang bitawan

Ang salitang PAALAM

Nagsimula sa oryentasyon

Nadugtungan nang panenermon

Magwawakas sa takdang panahon

Ilang araw mula ngayon

Huwag sana kayong matulad sa iba

Na sa una lang naging magaling

Mangangakong magbabalik

Naghintay ako, wala namang nakabalik

Alam kong magiging abala na kayo sa buhay

Landas nati’y magkakahiwa-hiwalay

Makakikilala kayo ng ibang kaibigan

Makapagtatapos kayo magiging matagumpay

Sakaling ako’y makasabay

Makasalubong at inyong masilay

Ay huwag namang ako’y

Ituring na hindi kilala

Dahil kahit hindi kita nakikita

Alam ng Diyos na minsan tayong naging

PAMILYA

I BUILT MY SITE FOR FREE USING