Nguyngoy
Huwag kayong iiyak!
upang ‘di ninyo marinig ang aking paghikbi
Mundo nati’y mag-iiba, mawawala ang ligaya,
maglalaho ang lahat na!
Iiwan n’yo at muli na namang mag-iisa
Ako ma’y…
naghigpit, nagalit, nagpaalala, nagpayo,
nakitawa, nakisaya, nakikanta, nakisayaw at nakisama.
Ganiyan ko kasi nais maipadama at maipakita
ang pagpapahalaga’t pagmamahal sa bawat isa
At ngayong tatahakin n’yo na ang panibagong landas
Patunayang makalilipad kayo nang mataas
Sa paglipad ay magdahan-dahan
baka sa pagmamadali’y pakpak ay magalusan
At kung sakaling nasugatan…
Narito ang inyong inang paru-paru
naghihintay lamang na gamutin kayo!
Hindi ako iiyak, marapat pa nga akong magalak!
Sapagkat hindi n’yo binigo ang sa aki’y pangako
Sa maraming karangalan, tagumpay at katanyagan
Na sama-samang nating dinanas at nalampasan
Ngayong araw ng inyong pagtatapos
dito na nga ba magtatapos?
Samahang minsan pa’y hindi nagkaintindihan
Pamilyang nakaranas ng kabiguan
Pagkakaibigang nabahiran, may ‘di pinagkasunduan
Subalit sa huli ay naaayos naman
Kapatid ang turingan
Pagmamahalan ay walang hanggan
Pamilya sa paaralan, kaysarap balikan
Lagi ko itong babalik-balikan
dahil…
ito na lang ang tangi kong magagawa
Ako ay tatanda, mabubura ang lahat ng mga alaala
Batid kong sa puso ay makikilala ang bawat isa
Na minsan sa buhay ko kayo ay nakasama
Na aking itinuring na tunay pamilya