Repleksyon: Bisyon at Misyon [Talumpati]

Bakit may ilang mag-aaral na nabibigo at may ilan namang nagtatagumpay?

Mapagpalang araw ng Lunes sa aking mga guro, administrador at mga kapwa ko Bedista!

Ang nasa harapan n’yo ngayon ay isang mag-aaral at atleta Ethan Richard Lee mula sa baitang 10 seksyon 16 mula sa klase ng Humanidades. Bilang Pilipinong tumatalima sa ating sariling wika pahintulutan n’yo akong gamitin ang ating sariling wika ang Wikang Filipino.

Dalawang libo at pito hanggang dalawang libo at labimpito ito ang mga panahong inilagi ko sa ating paaralan. Dito ako nagsimula nagsimulang --- matuto, matuwa, madapa, masaktan, magtagumpay, lumuha hanggang sa matutong tumayo sa aking sariling mga paa.

Pinalad akong mapabilang sa Varsity Team ng San Beda ang Taekwondo Red Jins noong baitang pito. Habang pinagsasabay ang pag-aaral at pag-eensayo sinikap kong mas doblehin pa ang pag-aral at pag-eensayo nang mabuti nang sa gayo’y maibalik ko sa eskwelahan ang oportunidad na ibinigay nila sa akin. Subalit… hindi naging madali ang lahat naging mas mabigat ang aking responsibilidad at naramdaman kong “tila hindi ko na kayang ipagpatuloy ang buhay na ganito.”

Nagising ako sa katotohanang “Ang buhay na walang layunin o pangarap ay masasayang lang.” Tinanong ko ang aking sarili Ano nga ba ang pangarap ko? Nagbibigay inspirasyon ba ang pangarap kong ito?  Paano ko ito mapagsusumikapan? Sino kaya ang makatutulong sa akin? Ano ang ginagawa ko ngayon upang maabot ito? at Kailan ako magsisimula?

Panalangin at paggawa.  Sadyang ang panalangin ay isang malakas na sandata natin sa buhay   kaya nitong tibagin ang lahat  ng bigat at alinlangan sa ating mga puso.  Ang taimtim na pagdarasal ay nakagagawa ng mga kahanga-hangang resulta  kung ito ay sasabayan ng kasipagan at pagtitiyaga. Kung gayon, dapat tayong magkaroon ng pananalig o paniniwala sa Kanya  na Siya ang makapangyarihang Diyos at kaya nating maabot ang ating pangarap sa pamamagitan Niya.  Kapag kasama mo ang Diyos, ikaw ay magiging malakas na tao.

Komunidad.  Parati kong sinisikap na maging mabuti, na matulungan ang iba sa abot ng aking makakaya  at maging palakaibigan  ito ang aking paraan upang maipadama ang pagmamahal sa isa’t isa dahil imahe ito ng ating buong pagkatao. Nagpapasalamat din ako sa mga taong sumuporta sa aking mga pangarap at sa aking mga hangarin  lalong-lalong na sa aking pamilya,  mga guro, sa aking teammates, sa aking mga kaibigan at sa institusyong ito. Sa pagpapamulat sa akin kung ano ang mga bagay na dapat mas bigyang prayoridad.


Silang Nabigo at Silang Nagtagumpay

Sa mga tulad kong patuloy na binabagtas ang daan tungo sa ating pangarap  iba’t ibang pagsubok ang ating haharapin  at sa pagkadapa nati’y huwag tayong titigil,  akayin ang iba alisin sa daang madilim  sabay nating sugat ay paghilumin, kung ang luha ay hindi na natin kayang sukatin  tibay ng loob tangi nating pairalin

mabibigo tayo ngayon subalit… magtatagumpay sa hinaharap!

at…

Ang bukas ang magsisilbi nating pangarap.

Salamat sa inyong pakikinig at magandang umaga.

I BUILT MY SITE FOR FREE USING