Tumatak ang mga tagos-pusong linya ng pelikulang A Mother's Story na ginampanam ni Medy o Pokwang sa totoong buhay.
1. "Nay baka hindi ka na po bumalik?"
2. "Nang dahil sa iyo nagkawatak-watak itong pamilyang ito."
3. "Ang sarap ng buhay mo! Hindi mo naranasang mapuyat sa pag-aalaga sa anak natin habang nag-aagaw buhay siya."
4. "Anak, nasanay na silang wala ka!
Hindi natin nauunawaan at nakikita ang tunay na dahilan ng isang ina sa panahon ng kanyang pangungulila at hirap-pagtitiis. Walang inang makatitiis ng kanyang anak lalo pa't nasa bingit ito ng kamatayan. Sa kabila ng lahat, ang ina pa rin ang aako ng lahat ng kasalanan at lagi pa ring siya ang may pagkukulang. Kailan nga ba masasabing naging mabuting ina ang mga ina? Tanong na patuloy pa ring sinasagot ng mga pagsasakripisyo at pagpaparamdam ng wagas na pag-ibig ng mga ina sa kanilang mga anak.
Naimbitahan noong Pebrero ang inyong lingkod na magbahagi ng kaalaman, karanasan at maging tagapagsalita sa isang Sampaksaan o Symposium bilang pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Ina noong Pebrero 20, 2020. Binigyang pagtalakay ang Kalahagahan at Gampanin ng mga Ina sa ating Lipunan. Ang mga lider-mag-aaral ng Junior at Senior High School ang naging tagapakinig. Sa pangunguna nina Gng. Jennifer Gonzales at Gng. Shalie G. Maglalang kabahagi ang UNESCO ay matagumpay itong naisakatuparan.
Karugtong ng buhay o Bugtong na Anak ganyan tayo sa ating mga ina. Tunay na iningatan nila sa loob ng kanilang sinapupunan hanggang sa maisilang kahit pa nasa kabilang hukay ang isang paa sa panganganak. Walang inang naghangad ng ikasasama ng kanilang mga anak. Gagabayan kang tumayo mula sa pagkakadapa. Tutulungan kang maging matatag sa kabila ng iyong mga iniluluha. Paulit-ulit kang paaalalahanan hanggang sa ika'y magtanda. Hindi mabilang ang mga "Linyahan ni Nanay". Kahit ilang ulit na magalit ito'y paraan ng kanilang pagmamahal at paghubog sa kanilang anak. Mapapanood sa bidyo ang ilan sa mga halimbawa.
Walang hindi kakayanin ang isang ina kahit ang naisasakripisyo pa ay ang oras na makapagpahinga. Superhero nga raw ang mga ina. Ang pagmamahal ng isang ina ay laging malakas, hindi nagbabago sa tagal ng panahon. Sa panahong kinakailangan ng anak ang kalinga ng isang ina ay mas lalo pang tumitindi ang kinang ng kanyang pagmamahal.
Kung ano ang narating naming magkakapatid at kung ano ang naging kami ngayon ay dahil sa pagsasakripisyo at mabuting pangangaral ng aming magulang. Hindi lamang nila hinubog ang aming isipan, pinatatag din nila ang aming damdamin sa pagharap sa mga hamon ng buhay. Naikintal nila sa amin ang maging mapagmahal, mabuti, maka-Diyos, at laging magdamayan. Mga aral na ngayon ay naisasabuhay na sa kanya-kanya naming pamilya. Hindi na maibabalik ang buhay ng aming ina subalit mananatili ang mga aral niya na sinikap niyang itanim sa aming mga puso.
Ang pangingibang bansa'y nagdulot nang pagkakawalay sa inyo. Subalit patuloy n'yong inuunawa na ako'y hindi lamang ina sa ating tahanan kundi ina rin sa mga kabataang ipinagkatiwala sa akin upang gabayan, turuan, at mahalin.
Sa panahon ng pangungulila sa pag-iisa sa ibang bansa darating ang panahong mauunawaan mo anak kung bakit ko ito ginagawa. Maraming luha ang pinigilang huwag dumaloy sa mga mata. Hindi mabilang na sakit sa kalooban ang madalas na kinikimkim na mag-isa.
Sa kabila ng lahat, naniniwala akong masarap pa rin ang maging ina dahil may saysay ang lahat ng paghihirap na ito.
Sa panahon ngayon...
Maraming inaasahan ang mga anak, mga hiling na gustong matupad. Sa mga bagay o katangiang hinahanap mo na hindi nangyayari na ikinasasama ng iyong loob. Sana ay sinubukan mo ring unawain ang sitwasyon. Magawa mo rin sanang ikaw naman ang magbigay lakas, ikaw naman ang gumabay. Lubos na ikaliligaya ng mga ina ang minsang ikaw naman ang umagapay. Kung may pagkukulang man ang mga ina ay lubos na pag-unawa ang kanilang inaasahan mula sa iyo. Abutin mo ang iyong mga pangarap gaya nang matayog na pangarap nila para sa iyo. At kung marating mo ang mga ito huwag kang makalimot na minsang may isang ina na umalalay at labis na nagmahal sa iyo.
Tandaan mo sanang...
Isa lamang ang ating buhay
Isa lamang ang ating ina
Huwag mong hintayin ang panahong pagsisisihan mo
Na hindi mo nasabing mahal mo siya.
"Mawala man sa iyo at kunin ang lahat laging pupunan ang kakulangang tanging ina lamang ang makagagawa."
- gINang Morales