15 Jun
15Jun

“Ang kagandahan ay hindi laging nakikita ng matang tumitingin, kundi ng pandamang pinangibabawan ng imahinasyon at damdamin.” gINAng


Sa aking mga pinakamamahal na mga mag-aaral,

            Humigit kumulang pitumpung araw o katumbas ng dalawang buwan at kalahati ang inilaan sa pagpaplano hanggang sa aktwal na pagtatanghal ng dula. Mahaba ang itinakbo ng pagpaplanong ito. Mula sa eliminasyon sa mga gaganap na karakter, pagtatalaga ng mga tauhan at gampanin ng bawat isa, paunang pagpupulong ng mga direktor at tagapangasiwa ng props, at pagbuo ng unang bersyon ng iskrip. Suntok sa buwan kung tutuusin ang planong ito. Imposible kumbaga! Subalit…nagawang pag-isahin ang apat na seksyon ng baitang 9. Isang proyektong pagtutulungan ng inyong batch. Napakaraming naging plano at marami ring isinaalang-alang. Kung pagsasamahin, paano ang oras ng pagsasanay? Sa pagtatanghal, anong silid ang maaaring gamitin? Hindi mabilang na mga tanong, ilang ano, bakit, at paano ang hinanapan natin ng kasagutan. Naging napakabilis, at mula sa Hunyo 10 ay naging Hunyo 13 ang takdang araw ng inyong pagpapamalas ng dulang pantanghalan. At natapos na nga ang pagpapamalas na iyon noong nakaraang Huwebes. Malinaw sa akin ang bawat pangyayari. Iisa-isahin ko ang mga puntong ito upang mas malinawan kayo sa mga bahaging aking nasaksihan.


1. Malikhain

            Mula sa pag-awit ng Lupang Hinirang, mga alintuntunin sa tanghalan, pagtugtog ng “Bayan Ko” at “Gaano Ko Ikaw Kamahal” gamit ang biyulin, ang pag-aalay ni Dr. Jose Rizal ng kanyang nobela, sa pag-awit ng “Hindi n’yo ba Naririnig?” sa tulong ng piyanista at paglabas ng mga tauhan sa wakas ng dula bilang bahagi ng epilogo, pagkakaroon ng facebook page, pagbuo ng teaser, at solo poster, komiks, guhit-larawan ng mga tauhan at diyalogo, pinal na poster, walking gallery, at video documentary. Tunay na naisakatuparan ang lahat ng ito dahil sa masigasig at malikhaing isipan ng mga mag-aaral ng baitang siyam na nagsikap upang mabuo ang bawat bahaging ito. Tunay nga ang sinabi ni G. Apostol na hurado sa pagtatanghal. Tila siya nasa Philippine International Convention Center sa kanyang nasaksihan. Sa madaling sabi, namangha siya sa nakita niyang kabuuan ng dula. Sa Pilipinas, lalo na sa Cultural Center of the Philippines ginagawa ang mga bagay na ito. Hindi lamang ilang buwan ang kanilang ginagawang preparasyon. Taon o mas higit pa dito ang paglalaan nila upang magtagumpay ang isang proyektong pantanghalan. Nais kong masaksihan ninyo kung ano ang tunay na ginagawa sa dulang panteatro sa Pilipinas at sa iba pang mga bansa upang hindi kayo mapag-iwanan at kayo na mismo ang makatuklas na naranasan na ninyo ang ganitong mga pagkakataon. Maraming oras ang inyong inilaan upang makahabol sa takdang pasahan, ilang ulit na pagbabago ng bersyon hanggang sa tuluyang aprubahan ang huling bersyon. Mga gabing patuloy pa ring tinatapos at sinasanay. Madaling araw na patuloy pa rin sa paggawa. Kaya naman bahagi kayo ng naging tagumpay ng proyektong ito.


2. Maparaan

            Kasabay ng mga araw ng pagtatalaga, sinimulan na ring pag-isipan, planuhin, iguhit, at tuluyang gawin ang plano at ayos ng tanghalan. Mula sa orihinal na planong isagawa ang dula sa silid ng Deira, Khor Dubai, Umm Hurair, Silid-Aklatan,  ay naging silid ng Gold ang huling naging tanghalan. Sa magiging ayos, paghahati, paglalagay ng mga pantakip at mga bagay na gagamitin sa dula ang lahat ng ito ay pinag-isipang mabuti. Ang mag-aaral na ito na madalas na magtanong kung ano ang silid na gagamitin, kung maaari na raw bang sukatin, kung naaprubahan na ba ang gagamiting silid, kung kailan bibigyang pahintulot na magkabit ng mga pangharang at pantakip sa bintana at pader, at kung kailan maaaring iset-up ang entablado. Labis ang aking paghanga sa mag-aaral na ito sa kanyang pagsusumikap na mabuo ang lahat ng kinakailangang kasangkapan sa dula katuwang ng iba pang mga mag-aaral na naging dahilan upang mabuhay ang tanghalan. Halos lahat ng hurado pati na ang mga inimbitahang manonood ay humanga sa naging ayos ng entablado. Sa pag-iilaw na ginawa na nagpapalit-palit ang kulay sa bawat pagbabago rin ng eksena. Sa tunog at musika o teknikal na ginamit upang mas umigting ang mga eksena. Sa pagtaas at pagbaba ng kurtina kung kailan ilalagay, babaguhin ang tagpuan, pati ang pagtanggal ng mga ito. Nagawa ito ng ayon sa inaasahan kaya nakatulong itong mabuti sa kabuuan ng dula. Binabati ko ang lahat ng mga nagtulong-tulong upang ito ay maisakatuparan.


3. Matapang at Mapanghamon

            Dumaan sa eliminasyon ang mga mag-aaral upang mapili at maibigay ang akmang papel na gagampanan para sa pagtatanghal. Maliban sa papel na gagampanan at may iba pang mga inatas na gawain upang kanilang pagtrabahuhan. Sinaulo ang diyalogo, linya, at ang kabuuang iskrip. Pinaghandaan ang kasuotan at palamuting gagamitin sa katawan bago ang aktwal na pagtatanghal. Sa kabila ng mga kinaharap na suliranin sa paghahanda. Mas madali ngang pangkatan na lang ang pagsasadula dahil hawak natin ang oras sa pag-eensayo o ‘di kaya ay wala na lamang pagsasadula at ibang proyekto na lamang ang ipagawa. Subalit napapanahon na upang muling isadula ang obrang ito ni Dr. Jose Rizal. Naniniwala akong napakahirap ng ginawa kong hakbang na ito. Pag-isahin ang kababaihan at kalalakihan gaya ng ginawa ng pangkat nila Ibarra sa piknik sa gubat. Kung paanong tutugma ang iskedyul ng pagsasanay upang makapag-ensayo ng sabay. Ika nga ni Elias “Ang pakikipaglaban ay batas ng buhay.” Paano natin malalaman kung hindi susubukan? Kaya naman sa mga bakanteng oras, nag-eensayo tayo. Inunti-unting sanayin ang bawat eksena. Inaayos ang galaw, bitaw ng diyalogo, damdaming palulutangin, pagpasok at paglabas ng tanghalan, at transisyon o palitan ng eksena. Itunuro ko kung paano dapat gawin. Ipinakita ko rin kung paano mas pagbubutihin. Ang lahat ng inyong dapat malaman, matutunan, at maintindihan sa ganitong aspeto sa aking pananaw ay akin namang naibahagi. Ang tagumpay ninyo ay tagumpay ko rin. Ang inyong kahinaan ay magiging kahinaan ko rin. Ano pa’t walang humpay kong ibabahagi ang aking nalalaman hanggang sa tuluyan ninyo itong magamit sa hinaharap at maipasa sa mga susunod na salinlahi. Ako’y labis na pinahanga ninyo sa inyong ipinakitang kahusayan sa pag-arte. Kahanga-hanga at tunay na kamangha-mangha! Ipinagmamalaki ko kayo sa inyong naging tagumpay. Tagumpay sa kabila ng mga suliraning pinagdaanan. Kasiyahan sa kabila ng mga naidulot at naging epekto nito matapos ang dula. Kahit na ano pa ang naging komento sa inyong pagtatanghal, para sa akin “HINDI ITO MATATAWARAN, TUNAY NA PAMBIHIRA!” Hindi ito mabubura sa aking alaala saan man ako makarating.


            Pinasasalamatan ko ang inyong batch sa lahat ng pagsasakripisyong inyong ginawa at ibinuhos upang hindi lang maging matagumpay kundi patunayan na lahat ng baitang 9 Taong-Aralan 2018-2019 ay magkakadamay at magkakaagapay. Lubos na pagbati sa lahat.


**Ituloy ninyo ang inyong nasimulan. Aabangan ko ang inyong dulang “Paghahari ng Kasakiman [El Filibusterismo].”


Mga Komento
* Ang email ay hindi nai-publish sa website.
I BUILT MY SITE FOR FREE USING